Saklolo Sa Hagupit

Ni Agnes Lopez Reano

Humahampas na ang malakas na hangin. Marami na ring mga sibilyan ang nagkukumahog na lumikas mula sa kanilang tahanan patungo sa mas ligtas na lugar. Makikita ang kalituhan at takot sa mga mukha nila. Gusto nilang tumigil pero kailangan nilang marating ang itinalaga ng bayan na dapat nilang tutukan. Halos hindi na rin makita ang daan habang binabagtas ng sampung sundalo, sakay ng isang KM450 na minamaneho ni Private First Class Jomar Jay L. Radin, ang lansangan patungo sa Guiuan, Eastern Samar. Pero nagpatuloy pa rin sila, dahil anuman ang mangyari at anuman ang makita sa daan, kailangang marating ang Guiuan dahil sa atas ng tungkulin.


Sa kabila ng malakas na hangin at ulan, sa gitna ng madilim na lansangan, buo ang loob ng batang sundalo na marating ang bayan. Isang oras na binagtas ni PFC Radin ang daan mula sa kanilang kampo sa Sitio Pinasuan, Hernani, Easter Samar upang marating lamang ang bayan ng Guiuan.


Alas-sais ng gabi pagdating sa bayan, dumiretso ang sampung sundalo sa munisipyo upang ipaalam kay Mayor Sheem P Gonzales ang kanilang pagdating. “Salamat at dumating kayo” - ito ang mga unang salitang binigkas ng Punong Bayan pagkakita sa sampung sundalo na bumababa sa kanilang sasakyan. Nangingilid ang kaniyang mga luha at hindi siya magkamayaw sa paghawak sa kamay ng bawat isang sundalong pumapasok sa munisipyo.


Ayon kay Ginoong Adrian Bernardo, municipal accountant ng Guiuan, para silang nabunutan ng tinik sa lalamunan nang makita ang sampung sundalo ng 14th Infantry Battalion. Sa kabila ng kawalan ng pag-asa, lahat ng tao na nasa munisipyo ng mga oras na iyon ay nabuhayan ng loob. Tila ba parang nakakita ang bawat isa ng matatag na kuya na kakapitan. Nakahinga sila nang maluwag, at makikita sa bawat mukha ang kasiyahan sa kabila ng pangamba.


Magdamag narinig ang malakas na ihip ng hangin, ang lagapak ng mga punong natumba, ang kalansing ng mga bubog, at ang tunog ng rumaragasang tubig mula sa dagat. Tila pakiramdam ng sampung sundalo na unti-unting kinakain ng dagat ang kalupaan ng Guiuan. Pakiramdam ng lahat ng taong kasalukuyang nasa munisipyo ng gabi ng ika-7 ng Nobyembre 2013 na katapusan na nilang lahat. Habang ang bawat isa ay nagre-repack ng mga relief goods, habang abalang nag-aayos ng mga sakong paglalagyan ng mga pagkaing ipamimigay kinabukasan, tahimik na nakikiramdam ang bawat isa.


Ayon kay PFC Radin pare-pareho ang iniisip nilang sampung sundalo habang naghihintay ng atas mula kay Mayor Gonzales. Iniisip nilang maaring sa Guiuan na matatapos ang kanilang paglalakbay ngunit sa gitna ng nagngangalit na lupit ni Yolanda, mas lalong naunawaan ni PFC Radin ang esensiya ng pagiging isang Kawal Pilipino. Kinabukasan, nakita nila ang matataas na alon na lumamon sa bawat bahay na nasa gilid ng dalampasigan. Nasaksihan ni PFC Radin ang bagsik ni Yolanda. Nakita niya kung papanong ang mga bahay at puno ay tila parang mga piyesa ng domino na isa-isang natumba at inanod papunta sa dagat. Naisip ng batang sundalo na tila nga yata sa bayan na ng Guiuan magwawakas ang kaniyang buhay. Subalit naisip niya na mabuti nang kunin ng Maykapal ang kaniyang buhay habang ginagampanan ang kaniyang tungkulin bilang isang Kawal Pilipino, kaysa mamatay nang walang saysay. Pagkatapos ng bangis ni Yolanda, nagpasyang maghiwa-hiwalay ang sampung sundalo upang matugunan ang bawat tawag ng pagsaklolo ng maraming naninirahan sa nasabing bayan.


Unang pinuntahan ni PFC Radin kasama sina PFC Salangusti at Corporal Punzalan ang tahanan ng isang dentista na kinilalang si Dr. Bautista. Kalunos-lunos ang kalagayan ng mag-asawa - ang kanilang dalawang anak ay nadaganan ng konkretong pader ng kanilang tahanan. Pagkakita rito, nagdesisyong umaksiyon agad ang tatlong sundalo. Walang gamit, wala ni isang martilyo, wala ni guwantes, pero hindi ito nakapigil sa tatlo na iligtas ang mag-anak.


Halos hindi pa nakakapagpahinga mula sa unang rescue effort si PFC Radin, isang tawag na naman mula sa isang sibilyan ang kaniyang tinugunan. Isang sibilyan ang nagsabi sa kaniya na may dalawang matandang babae na kasalukuyang na-trap sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan. Dali-daling tumugon si PFC Radin. Mag-isa niyang pinuntahan ang bahay ng dalawang matanda at nailigtas ng 24 na taong gulang na sundalo ang dalawa. Ayon sa mga sibilyan sa nasabing bayan, hinding-hindi nila makalilimutan ang ginawang pagtulong sa kanila ng mga sundalo. Hindi kailanman mapapalitan ng isang simpleng pasasalamat lamang ang pag-asang binuhay ng presensiya ng sampung sundalo mula sa 14th Infantry Battalion. “Walang katumbas ang ginawa ng mga sundalo sa aming bayan. Hindi kayang tapatan ng isang payak na pasasalamat ang ginawang pagtulong ng sampung sundalo sa aking mga kababayan,” pahayag ni Mayor Gonzales.

No comments:

Post a Comment