Larawan ng Pagbabago [Mensahe Para Kay Juan]

Sa pagsulat ko nito, nagdaan na ang isang taon at tatlong buwan na naging bahagi ako ng mundo ng mga sundalo bilang communication strategist ng programa ng Army para sa pagbabago - ang Army Transformation Roadmap o ATR. May mga kaibigan nang nagtanong sa akin kung may pagbabago nga ba talaga sa Philippine Army. At sa bawat pagsagot ko, hindi ako sumasagot bilang isang taga-kampanya ng organisasyon. Sumasagot ako ayon sa kung ano ang nakikita ko at ano ang pinaniniwalaan ko. 


May pagbabago. Sigurado ako dito. 



Una, may pagbabago dahil nagkaroon ng seryosong tugon sa tawag ng pagbabago. Nag-umpisa ito noong 2010 sa paglunsad ng ATR. Sa unang pagkakataon, nagtakda ang mga sundalo ng kanilang vision para sa taong 2028: Isang world-class na Army na maipagmamalaki ng sambayanang Pilipino. Ambitious man para sa isang vision, pero kahangahanga dahil may paniniwala sa posibilidad. At kasama ang tao sa pangarap. 



Ikalawa, may pagbabago dahil may mga konkreto at pangmatagalang plano para makarating sa world-class vision. Sa 2016, hinahangad na ang Army ay may sapat na kagamitan at nirerespeto sa Southeast Asia. Sa 2022 naman, isang moderno at respetadong Philippine Army sa buong Asya ang dapat makita. Base sa vision, nagtakda ang Army ng 12 pangunahing layuning dapat makamit ng organisasyon. At mula sa mga layuning ito, may mga programa at panukat upang masiguro na kumikilos ang Army patungo sa pagiging world-class. Maging ang budget ng Army ay depende sa pangangailangan ng ATR at hindi sa kung ano pa man.



Ikatlo, may pagbabago dahil matatag ang suporta ng tao sa ATR. Makikita ang suporta sa Philippine Army Multi-Sector Advisory Board o PA MSAB - mga tagapayo sa ATR na kinabibilangan nila Professor Winnie Monsod, good governance leader Dr. Jesus Estanislao, at Western Samar Representative Mel Senen Sarmiento; civil society leaders tulad ni Mae Paner (kilala bilang “Juana Change”) na gumawa ng video tungkol sa ATR na umani ng higit 11,000 views sa YouTube; at sa higit 2,600 fans sa Facebook na aktibo sa pag-comment ng suporta sa ATR. 



Ikaapat, may pagbabago dahil sa napakaraming taong nakilala ko dito sa organisasyon na ang hangad lamang ay tunay na pagbabago sa Philippine Army. Ang mga taong ito ang nagpakita ng kanilang core values na karangalan, katapatan, at katungkulan hindi lamang sa salita kundi sa pamumuhay. Ang mga taong ito ang tampok sa kauna-unahang issue ng ATR newsletter na hawak mo ngayon - ang . Mga taong kagaya ni Sergeant Raffy Braga, na hindi nagdalawang-isip ibalik sa may-ari ang dalawang chekeng nagkakahalagang P350,000 na nakita niya sa isang kalye sa Taguig; Lieutenant Colonel Oriel Pangcog na isa sa mga nanguna sa pagbabalik-kapayapaan sa Defense of Zamboanga noong September 2013; at si Private First Class Jomar Jay Radin, isa sa mga unang sundalong sumagip sa mga biktima ng Typhoon Yolanda. 



Nawa'y ang lathalaing ito ay maging totoo at makapangyarihang testamento sa isang organisasyong hindi man perpekto ngunit nasa tamang direksyon sa makabuluhang pagbabago. Ito ang Philippine Army na nasaksihan ko bilang isang ordinaryong sibilyang Pilipino. Sana'y ito rin ang larawang inyong makita sa mga kwentong ibinabahagi namin sa newsletter na ito - isang larawang sana'y matulungan nating buuin, pagtibayin, at palakasin.


LINUS VAN O. PLATA
Editor-In-Chief

No comments:

Post a Comment