Army Sa Tamang Isip at Gawa A.S.T.I.G.

Ni Agnes Lopez Reaño, Kim Santos, Ann Febel Bajo at Erika Grace Velasco

Lumaki si Sergeant Raffy L. Braga, 37, bilang isang batang magsasaka. Ang kaniyang katapatan ay ilang beses nang sinubok ng pagkakataon subalit sa bawat pagsubok na
ito, pinatunayan ng batang taga-bukid ang likas na katapatan.

Sa bawat insidenteng sinubok ang kanyang katapatan, maaari siya magkaroon ng agarang pera na lubos na kailangan ng kaniyang pamilya. Sa unang insidente, nakapulot siya ng isang wallet sa loob ng isang jeep na naglalaman ng tatlong ATM na may kasamang PIN at malaking halaga ng salapi na puwede niyang pag-interesan. Sa ikalawang insidente, puwede niyang itago na lamang ang bag na naiwan ng isang OFW na babae na naglalaman ng alahas, pera, mga dokumento, cellphone, I-Pad, at iba pa nanaiwan sa ibabaw ng kaniyang bagahe habang naghihintay ng kaniyang flight sa Lumbia Airport. Sa ikatlong insidente naman, puwede niyang i-encash ang dalawang tsekeng pay-to-cash na napulot niya sa kahabaan ng McKinley Road sa Taguig na nagkakahalagang humigit kumulang na tatlong daan at limampung libong piso (P350,000.00). Subalit sa mga insidenteng ito, nangibabaw ang kaniyang katapatan at pinili niyang ibalik ang wallet, bag, at dalawang chekeng kaniyang napulot sa mga tunay na may-ari ng mga iyon. Lumaki ang probinsyanong sundalo na may paninindigan na
‘di kukuha ng anumang bagay na hindi niya pinagpaguran.

Sa bawat insidente, naglaan ng oras at panahon ang probinsiyanong sundalo na hanapin ang tunay na may-ari. Umabot pa sa puntong ultimo ang inutang na pera na gagamitin sa pagpapagamot ng anak na may sakit ay ginamit na pamasahe para lamang hanapin ang may-ari ng pitaka at maisauli ito. Dahil sa walang humpay niyang katapatan, ang noong batang magsasaka ay ngayo’y kinikilala ng marami na "Sundalong Tapat."

Si Sgt. Braga ay hindi ipinanganak na mayaman. Bunso sa apat na magkakapatid, siya ay isinilang noong ika-15 ng Oktubre 1976 sa isang pamilya ng mga magsasaka. Ang kaniyang lolo na si Julio Braga, Sr. Ay nabibilang sa mga nagtungo sa Mindanao noong 1960 upang turuan ang ilang mga Muslim sa pagsasaka. Ang kaniyang ama na si Victor Grospe Braga ay isa ding masipag na magsasaka habang ang kanyang inang si Elizabeth Loyola Braga ay nanggaling sa isang pamilya na nagbebenta ng isda. Dahil siya’y nagmula sa isang pamilya na pinahahalagahan ang kasipagan at pagkabukas-palad, lumaki si Raffy na may katapatan. 

Gayunpaman, tila ang buhay ni Raffy ay puspos ng pagsubok. Hindi naging matagumpay ang kanyang pamilya sa larangan ng pagsasaka.Pagkatapos ng maraming taon na pagsusumikap ng kaniyang ama sa pagsasaka, lumipat ang pamilya ni Raffy sa Iligan City, Lanao Del Norte. 

Sa murang edad na pitong taong gulang, si Raffy ay nagtrabaho upang matulungan ang kaniyang pamilya at makapag-aral. Nagbenta siya ng mga plastic bag at chlorox sa ilalim ng init ng araw sa mga pampublikong pamilihan ng Iligan. Pumapasok siya nang naka-tsinelas at walang laman ang tiyan, subalit ang lahat ng ito ay tiniis ng batang Raffy. Sa kasamaang palad, ang buhay sa Iligan ay puno ng hamon at pagkatapos ng tatlong taon, lumipat uli sila sa Surigao Del Sur. 

Sa Surigao Del Sur, si Raffy ay nagbinatang masipag at matapat. Nag-aaral siya sa umaga at nagtatrabaho sa hapon. Sumubok siya ng samu’t saring trabaho upang matulungan ang kaniyang pamilya. Pumasok na carwash boy, konduktor ng jeep, drayber ng jeep at "kuliglig," at tagabuhat ng mabibigat na sako ng copra. 

Sa kabila ng lahat ng pagsisikap, ang hamon ng buhay ay tila sadyang naging kakambal na ng kaniyang pamilya. 

Dumako si Raffy sa Iloilo upang matulungan siya ng kaniyang kapatid na makahanap ng trabaho. Sa pagkakataong ito, nagpasya ang kuya ni Raffy na pumasok bilang isang sundalo, subalit hirap pa rin sila sa kabila ng pagsisikap ng lahat ng miyembro ng kanyang pamilya. 

Dahil sa paghanga sa kaniyang kuya, nagpasiya si Raffy na sundan ang yapak ng kaniyang kapatid. Nag-apply siya sa pagsusundalo, at suwerteng natanggap noong ika-16 ng Oktubre 1997. Sinikap niyang matanggap dito kahit hindi niya talaga pangarap maging isang sundalo, dahil nangibabaw ang kagustuhan niyang tumulong sa kaniyang pamilya. Sa loob ng 17 taon, si Raffy ay naging si Sarhento Raffy L. Braga ng Hukbong Katihan ng Pilipinas, at tatlong beses sinubok ang kaniyang katapatan.

Taong 2002, nagsadya si Raffy sa isang kamag-anak ng kaniyang dating boss na si Major General Sodusta sa Tabuk Suba, Jaro, Iloilo upang mangutang ng pera na gagamitin para sa kaniyang anak na noon ay may sakit. Sa kaniyang pag-uwi habang nakasakay sa jeep, may natagpuan siyang isang wallet na naglalaman ng malaking halaga ng pera at tatlong ATM na kasama ang PIN. Kung tutuusin sa pagkakataong iyon, puwedeng puwede niyang gamitin ang tatlong ATM. Subalit sa sumunod na araw, hinanap niya ang may-ari at naglaan ng maliit na halaga mula sa perang kaniyang inutang upang ipamasahe, mahanap lamang ang tunay na may-ari ng pitaka. Pinuntahan niya ang may-ari sa tahanan nito sa Punta Taytay, Liganis, Iloilo. Kinabukasan, personal na nagpunta ang may-ari ng wallet sa kaniyang unit sa Task Group Panay sa Dingle, Iloilo para magpasalamat.

Sa pangalawang insidente, muling nasubok ang kaniyang integridad, at nanaig pa rin ang kanyang natatanging katapatan. Noong ika-28 ng Enero, 2013, habang naghihintay ng kaniyang flight sa Lumbia Airport at nakapila upang mag-check-in, isang babaeng OFW ang nakaiwan ng kaniyang handbag na naglalaman ng alahas, cash at mahahalagang gamit sa ibabaw ng kanyang mga bagahe. Imbis na pag-interesan ito, hinabol niya ang babae at ibinigay ang naiwang bag. Laking tuwa ng OFW na naibalik ang kanyang bag at lubos itong nagpasalamat sa katapatan ng sundalo. 

Muling pinatunayan ni Sgt. Braga ang kanyang katapatan noong ika-26 ng Pebrero 2013. Habang nagmamaneho sa kahabaan ng McKinley Road sa The Fort, may nakita siyang isang folder na naglalaman ng dalawang pay-to-cash na tseke na naghahalaga ng halos tatlong daan at limampung libong piso (P350,000.00). Ang naturang tseke ay pay-to-cash, kahit sino ay pwedeng magpapalit nito. Agad-agad niya itong dinala sa Office of the Assistant Chief of Staff for Civil-Military Operations, G7, PA kung saan siya nakatalaga, at inireport niya sa kaniyang boss na nakakita siya ng dalawang tseke. Agad ding nakipag- ugnayan sa Land Bank ang OG7 upang magtanong tungkol sa may-ari ng tseke. Ang mga tseke ay ibinalik sa may-ari na si Mr. Kiko Loresco, na isang empleyado ng Manila Water. Ayon sa may-ari, litung-lito siya at hindi alam ang gagawin para mahanap muli ang tseke, kaya nang tawagan siya ng bangko na napulot ito ng isang sundalo at ibabalik sa kanya, dito niya naranasan ang katapatan ng isang sundalo.

Sa kabila ng pagiging isang mahirap na probinsyano at pagkakaroon ng mababang pinag-aralan at maliit na suweldo, si Sgt. Raffy L. Braga ay isang ehemplo ng katapatan at integridad, isang sundalo na tunay na maipagmamalaki ng sambayanang Pilipino.

No comments:

Post a Comment