Paano Maging Bayani?

Ni Sarah Jane Salimbagat

Paano ba maging bayani? Hindi siya nangangailangan ng abilidad na makalipad, tumakbo ng mabilis, o kontrolin ang pag-iisip ng ibang tao. Ang isang bayani ay maaaringmaging isang ordinaryong tao na nakikipaglaban para malutas ang mga karaniwang problema sa ating lipunan.

Sino man ang handang tumulong sa mga panahon ng hindi inaasahang pangyayari ay
isang bayani. 

Ang bayani ay pwedeng maging kahit sino man sa atin, pwedeng maging ako, ikaw, o kaya tayong lahat hangga’t nasa atin ang pagkukusang lutasin ang isang problema sa abot ng ating makakaya, o higit pa. 


Maraming klase ng bayani sa makabagong panahon. Ang ilan sa kanila ay ang mga matatapang, malalakas ang loob, at magigiting na kalalakihan at kababaihan na naglilingkod sa ating bansa upang protektahan ang mga mamamayan nito at pangalagaan ang teritoryo ng bansa. 


Ito ay lubos na nakita sa nakaraang krisis na naganap sa lungsod ng Zamboanga noong Setyembre 2013 kung saan ang ating mga sundalo ay nakipagbakbakan sa ilang miyembro ng armadong grupo sa loob ng humigit-kumulang na tatlong linggo. 


“Yung mga unang araw ng laban ang lubos na mahirap, noong mga panahong iyon, hindi namin alam kung ano yung dadatnan namin. Kailangan naming makibagay. Habang tumatagal, nakuha na rin naming ang dapat gawin,” ani Lieutenant Colonel Oriel Pangcog, dating Commander ng Joint Special Operations Task Group Arrow, na isa sa mga matagumpay na nangasiwa sa Defense of Zamboanga noong Setyembre 2013. 


“Tumagal ang krisis ng tatlong linggo dahil kailangan naming siguraduhin ang buhay ng mga bihag higit ano pa man. Kung nangyari lamang ito sa bundok, pwede kaming magpaputok ng walang isinasaalang-alang na buhay ng mga inosenteng mamamayan,” ani pa ni Tenyente Koronel Pangcog. 

“Pwede naming tapusin agad-agad yung laban kaso baka buhay ang maging kapalit nito,” dagdag pa niya. 

Tungkulin ng ating kasundaluhan ang pangalagaan ang seguridad ng kanyang mamamayan maging sarili man nila ang maging kabayaran sa kabila ng kanilang kabayanihan.

Pero ang sabi nga sa isang kantang “Superman” ng bandang Five for Fighting: “Even heroes have the right to bleed.” Tao lang din silang katulad ko, mo, at nating lahat.

“Takot ako. Lahat takot. Ang mga sundalo ko nakita ko takot, kaya sabi ko, relax lang. Pinilit kong hindi isipin ang nangyayari. Ginawa lang namin ang dapat naming gawin sa pagdaan ng bawat araw.”

Araw-araw na kabayanihan ang hamon sa atin. Kulturang kadakilaan ang inaasahan nating umiiral sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Kaya naman sa oras ng pagsubok, ang panawagan sa bawat isa sa atin: gisingin ang bayani na nananalaytay sa loob natin at tumugon sa tawag ng tungkulin.

Maliit man o malaki, sikat man o hindi, mayroon kang maiaambag – sa ngalan ng bayan at kapwa, kailangan mong gawin ang iyong magagawa. Ang mabuti mong gawin ay maging mabuting halimbawa sa ibang tao upang maging bayani sa kanilang sariling pamamaraan; upang tuluyan nating makamit ang ating mga hangarin.

Nananalaytay sa dugo ng bawat isa sa atin ang diwang bayanihan lalo na sa panahon ng krisis, na kahit ano pang bigat ng problema ay gumagaan kung pinagsasaluhan. Kaya nga tinawag na bayani ang mga tinitingala natin - sila ang nagpapa-alab sa mga damdaming nagbuklod sa mga Pilipino at naging tulay upang makamit ang nagkakaisang layunin ng buong bayan. Ang isang makatarungang bansa ang magbibigay-saysay sa ipinaglaban ng ating mga bayani. Ito rin ang nais nating ipamana sa mga susunod na henerasyon ng Pilipino.

Patuloy nating isinusulong ang kapayapaan at hustisya na matagal na nating inaasam-asam simula pa noon.

No comments:

Post a Comment