Army 101: Ang Mga Tao sa Likod ng Camouflage

Ni Joyce Camille Domingue


Kapag nakakita ka ng rosas at tsokolate, naiisip mo agad ang salitang ligaw. Kapag nakakita ka ng langgam,
iisipin mong may natapon sa paligid na matamis. Kapag nakakita ka ng tsapa, alam mong graduation na. Kapag naman may nakita kang naglalaro ng Flappy Bird, ang naiisip mo ay pasensya - mahabang pasensya para maka-high score sa game. Paano naman kapag nabasa mo ang mga salitang ito: tangke, baril, camouflage, bundok, giyera, saludo, bayani, lalaki? Ano agad ang pumapasok sa isip?



Sundalo ba?


Simulan natin sa ibig sabihin ng salitang ito. Ang kawal, sundalo, o suldado (sa Ingles ay soldier at sa Kastila naman ay soldado) ay mga salitang tumutukoy sa isang kasapi ng panglupang sangay ng sandatahang lakas ng isang bansa. Kalahati ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (Armed Forces of the Philippines) ay binubuo ng mga sundalo ng Hukbong Katihan ng Pilipinas (Philippine Army). Habang 25 porsyento naman ay kabilang sa Hukbong Dagat (Navy) at ang natitirang 25 porsyento ay nasa Hukbong Himpapawid (Air Force). 

Ang Philippine Army ang responsable sa paghahanda at pagsasanay ng mga sundalo sa mga labanang nagaganap sa lupa. Lingid sa kaalaman ng nakararami, dalawa ang aspeto ng tungkulin ng mga sundalo ng Army: ang lumaban sa panahon ng digmaan (to fight in times of war) at magsilbi upang mapanatili ang kapayapaan (to serve in times of peace). Sa dalawang aspeto na ito umiikot ang kanilang tradisyunal (traditional) at hindi tradisyunal (non-traditional) na mga tungkulin. Ang tradisyunal na gawain ng mga sundalo ay tumutukoy sa pakikidigma (warfighting), pagbantay ng seguridad, at pagtatanggol ng soberanya ng Pilipinas sa kahit na anong bantang panlabas (external threat). 

Sa tradisyunal nilang tungkulin madalas nakikilala natin ang mga sundalo ng Philippine Army - mga sundalong naka-camouflage na may baril o nakasakay sa tangke ang ideya na madalas nakakabit sa kanila. Ngunit ano nga ba ang dahilan ng pagsusuot ng unipormeng camouflage? Ang damit na ito na tinatawag sa military na Battle Dress Uniform (BDU) ay nagsimula noong panahon ng aerial at trench warfare. Dahil kinakailangan ng mga sundalong iwasan ang mga bombing ibinabagsak ng mga war aircraft, napag-isipan noong World War 1 na baguhin ang kasuotan ng mga sundalo at iayon ito sa kung ano ang kulay at anyo ng kalupaan. Ang layunin ng camouflage ay maitago ang mga sundalo sa mga mata ng kalaban. Mula sa pagiging isang kasuotan na sumusunod sa moda, ang pagbabago ay nangyari upang i-akma sa pangangailangan ng digmaan. 

Maliban sa camouflage, ang kasundaluhan ay kilala rin bilang mga pwersa ng gobyerno na may hawak na baril o nakasakay sa tangke; ang mga ito ay ilan lamang sa kanilang mga espesyalisasyon. Ang mga sundalo at opisyal ng Hukbong Katihan ay sumasailalim sa iba’t ibang pagsasanay depende sa espesyalisasyon na kanilang napili. Ilan sa kanilang mga espesyalisasyon ay ang Infantry, Field Artillery at Cavalry. 

Ayon sa kasaysayan, ang pinakamatandang espesyalisasyon sa Army ay ang Infantry. Ang mga sundalong ito ay nagsanay upang makidigma sa kalabangamit ang kanilang mga armas tulad ng itak. Sa modernong
panahon, ang mga sundalo sa Infantry ay sinanay upang makipaglaban sa face-to-face combat gamit ang kanilang modernong kagamitan tulad ng baril. Ang Infantry ay kilala din sa tawag na “foot soldiers” – mga sundalong tinuturing na nasa unang hanay ng digmaan. 

Isa sa espesyalisasyong sumusuporta sa Infantry sa digmaan ay ang Field Artillery. Sinasabing noong panahon, napag-aralan ng mga naglalabang pwersa na ang lakas ng kalaban ay nakasalalay sa kanilang formation kung kaya nag-imbento ang mga ito ng iba’t ibang gamit pandigma na sisira sa formation ng mga kalaban. Ito ang naging pangunahing dahilan ng pagkaka-imbento ng limber at caissons. Ito ay mga naimbentong kariton na hihila at susuporta sa kanyon sa panahon ng digmaan. Sa modernong konteksto, maraming uri na ng short at long-range na kanyon and naimbento. Ang mga sundalo sa grupong Field Artillery ang nagsasanay upang gamitin ang mga kagamitang ito upang mapabilis ang pag-atake sa kalaban.


Tinuturing namang pangatlo sa pinakamatandang espesyalisasyon sa pakikidigma sa lupa ang Cavalry. Noong unang panahon ang Cavalry ay grupo ng mga sundalong nakikipaglaban sakay ng mga kabayo. Sa modernong panahon, ang mga sundalo sa Cavalry ang nagsasanay sa pagmamanipula at paggamit ng iba’t ibang uri ng tangke. Ang Cavalry, gamit ang kanilang mga tangke, ay sumusuong sa digmaan kasama ang Infantry. Sila ay nakakalapit sa kalaban gamit ang kanilang mga armadong tangke. 

Ang kwento ng camouflage at ng bawat espesyalisasyon ng mga sundalo ay umiikot sa kanilang tradisyunal na tungkulin– ang makipaglaban sa panahon ng digmaan . Ngunit sa mga digmaan lang ba nakikita ang mga sundalo?

No comments:

Post a Comment