ROTC NG UP BAGUIO: Boot Camp ng Kabayanihan

Ni Earl Reignier Caoile

Tumitibay. Dumarami. Kumikilos.


Makalipas ang isang taon ng pagbibigay serbisyo sa unibersidad at komunidad, napatunayan ng University of the Philippines Baguio – Reserve Officers’ Training Corps (UPB-ROTC) na hindi nasayang ang suportang ibinigay sa kanila ng kanilang mga kamag-aral at mga guro.


Noong nagdaang taon, may 250 na mag-aaral at guro ng UP Baguio ang nagbigay suporta sa inihaing petisyon ng grupo ng mag-aaral para maibalik ang ROTC sa nasabing unibersidad. Hindi nag-atubili ang Department of Military Science and Tactics ng UP Diliman para magbigay ng tulong sa pagsasakatuparan ng mungkahing ito. Nagbukas at nag-alok ng kurso sa ROTC matapos ang dalawang buwan at ito ang nagbigay-daan sa pagkakatatag ng UP Baguio Corps of Cadets (UPB COC) sa ilalim ng una nitong komandante na si Colonel Jonathan G. Ponce na dating namuno ng 1st Regional Community Defense Group (RCDG).

Lalong hinangaan ang mga kadete ng nasabing yunit nang manguna ang mga ito sa ginanap na Philippine Army Advanced ROTC Cadet Qualifying Exam (PAARCQE). Ang PAARCQE ay taunang pagsusulit para sa mga kadeteng ROTC na nagnanais tumuloy sa Advanced ROTC at mapasama sa mabibigyan ng scholarship at cash grants na ipinagkakaloob ng Philippine Army.


Sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensiya at organisasyon sa loob at labas ng unibersidad, nakibahagi ang mga kadete sa ‘di mabilang na aktibidad na nagsusulong ng kapakanan ng nakararami tulad ng blood donation drives at pagsasagawa ng relief operations para sa mga biktima ng nagdaang bagyo. Pinangunahan rin ng UPB COC ang paglulunsad ng medical mission sa unibersidad na nagbigay serbisyo hindi lamang sa mga mag-aaral at empleyado nito kundi pati narin sa kalapit na komunidad. Bukod rito, patuloy na nag-aabot ng serbisyo ang mga mag-aaral ng ROTC sa mga seremonya sa iba’t ibang programa ng unibersidad.


Nawala man ng isang dekada ang programa sa UP Baguio, naging makabuluhan ang pagbabalik ng ROTC sa unibersidad upang magbigay ng kasanayan sa mga mag-aaral na nagnanais malinang ang kakayanan at makapaglingkod sa bayan.


No comments:

Post a Comment