Bago! Personal na Pagbabago: Ang Kwento ni PFC Tungpalan

Ni Florence Ryan Rayos at Linus Van Plata


Dignidad sa sarili - ito ang isa sa mga bagay na pinapalaganap ng Army Transformation Roadmap (ATR) sa bawat sundalo. Ipinapakita nito na ang katayuan ng Hukbong Katihan ay nakasalalay sa mga indibidwal na bumubuo nito. Anumang kalagayan ng isang indibidwal ay may epekto sa buong organisasyon. Ang pagbagsak ng isa ay puwedeng ikapilay ng buong hukbo. Isinasapuso ni Private First Class (PFC) Jefferson V. Tungpalan, 24, ang ideyang ito sa kaniyang tungkulin sa Hukbong Katihan ng Pilipinas bilang sundalo.

Ipinanganak at lumaki si PFC Jefferson Tungpalan, o Jeff, sa Davao del Norte. Ang kaniyang ama, si PFC Sonny Tungpalan, ay naging sundalo rin; sa kasamaang palad, siya ay nasawi sa isang engkwentro sa Talaingod, Davao del Norte noong 1991. Dahil musmos pa noong namatay ang kaniyang ama, hindi na ito nakilala ni Jeff. Nagdulot ito ng hirap sa kaniyang pamilya. 

“Nabu-bully ako ng mga classmates ko kasi wala akong tatay,” ani Jeff. “Noong bata pa ako, kinakantsawan ako, ‘Ay, wala yang tatay, wala yang tatay.’ Di ako pumapalag kasi alam kong dehado ako kasi wala nga akong tatay, kaya sabi ng nanay ko, ‘Umiwas na lang.’ Alangan namang ang nanay ko ang haharap sa mga tatay nila.” 

Nagdulot ito ng mga katanungan kay Jeff tungkol sa kaniyang tatay at sa trabaho nito. “Bakit nga ba wala akong tatay? Bakit kailangan niyang ‘magpakamatay’ para sa
ganun lang? Puwede namang hindi.”

Nalaman ni Jeff na hindi pala kinailangan ng kaniyang ama na sumabak sa engkwentro kung saan siya nasawi. “Sinabihan siya ng CO [Commanding Officer] niya na umuwi na siya, pero nag-volunteer pa rin siya para doon. Bakit niya piniling gawin yun? Ano bang meron sa sundalo?” 

Pumasok siya sa seminaryo pagkatapos ng high school para mag-pari, ngunit umalis rin siya dahil nakikinita niyang hindi ito ang tamang propesyon para sa kanya. Nag-enroll din siya sa St. Mary’s College of Tagum at nakapagtapos ng kursong Accountancy ngunit hindi rin niya pinasok ang larangan na ito. Lagi pa rin niyang iniisip ang mga tanong na bumabagabag sa kaniya, simula noong bata pa siya: “Anong meron sa isang sundalo?” Humantong siya sa desisyong pumasok sa Hukbong Katihan at maging isang ganap na sundalo. 

Para maging isang sundalo, dumaan muna si Jeff sa Candidate Soldier Course sa Non-Commissioned Officer (NCO) Academy, Camp O’Donnell, Tarlac. Aniya, mahirap ang kanyang pinagdaanang training ngunit naitulak niya ang kanyang sarili na tahakin ang landas ng isang disiplinadong pagsasanay. Noong ika-23 ng Pebrero 2010, natapos niya ang kurso at napabilang siya sa hanay ng mga sundalo ng Hukbong Katihan. 

Ngunit sa kaniyang pagpasok sa serbisyo, nakita niya ang kahinaan ng mga sundalo. “Noong pagpasok ko, nag-iba yung pananaw ko sa sundalo.” Napuna niyang maraming mga pagkukulang na kailangang punan ang organisasyon. Dahil dito, nang mapakilala sa kaniya ang ATR at ang paggawa ng Personal Development Scorecard, niyakap niya ang posibilidad ng pagbabago sa Philippine Army. 

Ang Personal Development Scorecard ang bagong proyekto ng Philippine Army para sa pagpapaunlad ng bawat indibidwal na sundalo. Layunin ng Personal Scorecard na maibalanse ang iba’t ibang aspeto ng buhay ng isang sundalo - ito ma’y patungkol sa pamilya, trabaho, kalusugan, edukasyon, at pananampalataya. Susi ang ganitong uri ng pamumuhay sa pagbabago hindi lamang ng sarili kundi ng Philippine Army. 

“Gamit yung Personal Development Scorecard, nare-remind talaga ako kung anong gagawin at kung anong aayusin ko,” ayon kay PFC Jeff. Inihayag niya kung paano nakatulong ang scorecard sa kaniyang trabaho bilang Finance NCO ng Office of the Assistant Chief of Staff for Civil-Military Operations, G7, Philippine Army.


Sa aspetong propesyonal sa kaniyang scorecard, isa sa mga ginawa niyang layunin ang siguraduhin ang tamang pag-tala ng pananalapi ng opisina. Sa layuning ito, nagtakda siya ng mga panukat upang siguruhing nagagampanan niya nang maayos ang trabaho. 

Regular na gawain ni PFC Jeff ang pag-update ng kaniyang Personal Scorecard. “Lagi akong nagrereflect at tinatanong ko sa sarili ko kung ano pang kailangang gawin.” Dahil dito, lagi niyang naiisip ang halaga ng integridad at pagiging epektibo sa kaniyang trabaho. Naaalala rin niya ang importansiya ng isang balanseng buhay. Ang kaniyang scorecard ay larawan ng kaniyang dedikasyon sa pag-angat ng sarili. 

Nakikita ni PFC Jeff na mas magiging mahalaga ang kaniyang pagpapabuti sa sarili ngayon at sa pagdaan ng panahon. “Yung level of responsibility, bumibigat habangtumataas ang ranggo mo. Kung napo-promote ka, dagda responsibility yun. Pero kahit na ako ang may pinakamababang posisyon ngayon, ‘di ibig sabihing ako dapat ang pinakahayahay gumalaw. 

Dagdag niya, “Yung mga pinakasimpleng mga gawain, dapat ngayon palang gawin ko nang maayos. Kung yung mga simpleng bagay, hindi pa magampanan nang maayos, paano na yung mga mas mabibigat na responsibilidad?”

No comments:

Post a Comment